Hindi pangkaraniwang buhay ang pinag-daanan ko sa aking kabataan…

Habang ang iba ay nag-aaral at nagpapakasaya kasama ang mga mahal sa buhay at mga kaibigan, ako’y kasamang namromroblema ng aking pamilya kung pano ulit namin haharapin ang magandang umaga sa gitna ng nagkapatong-patong naming problema.

Sa mura kong edad, ang naging pangarap ko ay ang pag-ahon ng pamilya sa buhay. Sa bigat ng responsibilidad na naka-atang sa balikat ko, sa tingin niyo may rason pa para ngumiti ako?

Nagkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid dahil sa mga biglaang desisyon at sa udyok ng mga tao sa paligid namin. Nawalan kami ng boses at bulag na sumunod sa kung ano man ang sabihin ng mga taong noon ay pinagkakatiwalaan namin. Kanino pa nga ba kami makikinig? Sa mga sarili naming wala namang kakayahang kumilos? o sa mga taong sa tingin namin ay kaya kaming protektahan?

Noon, ang buong pamilya ko ay hinusgahan, nilait at inapak-apakan. Sa isang tinedyer na tulad ko, sapat na dahilan na ito upang maging madilim ang tingin ko sa buhay at mawalan ako ng tiwala sa mga taong nasa paligid ko.

Iniwasan ko ang lahat ng taong may alam sa pinagdaanan namin dahil alam ko sa sarili kong lalo lang nila akong hihilain pababa. Tanging pamilya ko lang ang pinagkatiwalaan ko at ang masakit pa, isa sa mga taong yun ay nakaya kaming traydurin at paikutin.

Masakit man tiniis ko lahat, nakuntento sa maliit na mundong ginagalawan namin at pilit na tumayo sa kabila ng aming napakasaklap na pinagdaanan. Hindi naging madali ang tumalikod sa mga taong andiyan mula ng isilang ka sa mundo, lalo pa at minahal mo sila at naging parte sila ng buhay mo.

Napakahirap humarap sa mga tao ng nahihiya.

Napakasakit makitang nagkawatak-watak ang pamilya mo.

Nakakapagod magtago pero mas nakakapagod maging galit sa mundo.

Ngunit sabi nga nila, ang kaisa-isang permanenteng bagay sa mundo ay PAGBABAGO.

Tulad ng Goldilocks, sa loob ng mahigit apat-napung taong pagiging bahagi ng ng buhay ng mga Filipino, kinailangan na rin niyang sumailalim sa matinding pagbabago upang makisabay sa modernong panahon at panlasa ng mga Pinoy. Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, andun pa rin ang ‘lasang Goldilocks’ na minahal natin.

Tulad ko, dumaan man ang maraming unos at mga pagsubok na humulma sa aking pagkatao, andun pa rin ang dating ako…ang mapagmahal, mapagpatawad at masayahin na dating ako.

At matapos ang labin-tatlong taon na nabuhay ako sa takot at galit, natuto na rin akong magpatawad, dahil alam kong kailanman hindi ako sasaya kung hindi ko maibibigay ito.

Una kong pinatawad ang sarili ko dahil naisip kong “hindi ganun kalaki ang kasalanan ng pamilya ko sa mundo, kaya bakit ko kailangan dalhin ito habang-buhay?”

Ang sunod kong ginawa ay buksan muli ang buhay ko at papasukin ang mga taong sa loob ng mahabang panahon ay pinagsarhan ko. Sa tingin ko, wala silang kasalanan – sinabi lang nila kung ano sa tingin nila ay tama. Kung may nasabi man sila noon, ayoko ng alamin pa kung ano yun. Ang importante ay yung ngayon at bukas.

Ngayon ko napagtanto na napakasarap pala ng ganitong buhay. Napakasarap huminga ng walang sagabal at napakasarap ngumiti ng hindi pilit, ng natural. At mas napakasarap humarap sa tao na malinis ang puso.

Sa pinag-daanan kong ito at sa aking pang tatlumpong kaarawan, isa lang ang natutunan ko: na hindi pa huli ang lahat para sa PAGBABAGO.

Sabay ng maaliwalas na tingin ko sa buhay ngayon ay ang pagtanggap sa hamon ng isang “make-over” upang maalis lahat ng negative vibes at tuloy-tuloy ng harapin ang bukas na bukas ang puso at may ngiti ang mga labi.

Related Posts with Thumbnails